Friday, August 13, 2010

Walang tulugan sa aming kaharian..

Sa maliit ngunit bongga naming kaharian ay hindi natutulog ang mga tao.

Of course hindi naman 24/7 talaga na wala kaming tulog. Natutulog pa rin naman kami at least 8-10 hours per week.


Sa paglipas ng mga araw ay nararamdaman ko nang unti-unti na akong nagiging Vampire. Tulog sa araw, gising sa magdamag. Nakamulat ang mata na parang guwardiya na naatasang magbantay sa palasyo.


Buong magdamag ay nakaharap sa computer kahit wala namang ginagawa. Taimtim na nakikipagkomyunyon sa computer habang ang ibang mga nilalang sa aking paligid ay nag-uunahan sa paghilik na parang nagco-concert.


Parang mga sardinas na nagsisiksikan sa banig na nakalatag sa sahig ng aming munting kaharian. Himala nga at maaga pang natulog ang mga kaawa-awang nilalang dahil kadalasan ay madaling araw nang natatahimik ang mga iyon.


Para silang mga ligaw na kaluluwa na nambubulabog sa mga natutulog na mamamayan ng kalapit na kaharian na pinamumunuan ng baklushing dinosaur na si Barney pati na rin sa mga residente ng kapitbahay na kaharian ni Mickey Mouse. Sa pagsimula pa lang ng gabi ay unti-unti na silang nabubuhay at patuloy na lumalakas hanggang sa muling paglabas ng dakilang araw.


Kanta dito, sayaw doon. Sigawan, tawanan, kantahan, sayawan...paulit-ulit na tila sila ay nasa gitna ng desyerto at milya-milya ang layo sa tinatawag na sibilisasyon. Kaawa-awang mga sakop ni Barney, nakakatulog din kaya sila sa ingay na nagmumula sa aming munting palasyo?


Ilang araw na rin akong hindi natutulog sa aking kama dahil ako ay unti-unti ng nagta-transform upang maging vampire. Dala siguro ito ng mga lecheng lamok na parang mga ibon na sa laki at hindi man lang nahiyang kumagat sa mala-diyosa kong balat. Isa pa, hindi na rin ako makatulog sa gabi. Magdamag din akong gising kahit pa nakahiga ako sa aking kama na ginawa ko nang temporary library at tambakan ng aking mga basura at mga damit na wala akong lakas na labhan. Dagdag pa, sa dami ng aking mga unan ay wala na akong matulugan kaya naisip ko na magvigil na lang sa magdamag.


Sa umaga na lang ako matutulog pagdinalaw na ako ng antok. Matagal na rin siyang hindi dumadalaw eh...nakakamiss.


Sa kasalukuyan ay nagre-rehearsal pa rin ang kampon ng kadiliman. Malamang ay may paparating silang concert kaya todo practice sila. Hayaan na natin sila. Let them rest in piece peace. At ako naman ay patuloy na maghahanap ng bagong laro na aaliw sa aking nababagot na utak at makikinig sa musikang nanggagaling sa mga nilalang na nakahilata sa sahig ng aming kaharian.

No comments:

Post a Comment