Sunday, August 22, 2010

BUHAY NGA NAMAN

Mabuti pa ang mga bata.. Parang ang bawat araw na dumaraan sakanila ay isa lamang laro. Gaya ng piko, luksong baka, tumbang preso, pagpapalipad ng saranggola sa isang malawak na bukid o kaya’y patintero na sa bawat pagtatapos ay maaaring ulitin at balik-balikan. Sana ganun lang kadali ang buhay.. ang mabuhay.. Kasing dali ng pagbabahay sa piko, pagtalon sa taya ng luksong baka, pagtira sa lata, pagpapahaba ng pisi ng saranggola at pag-iwas sa taya ng patintero.

Ngunit alam naman natin na ‘di maaaring pigilin ang pabago-bagong panahon sa ating buhay. Ang mga batang yaon ay tatanda rin at mamumulat sa totoong takbo ng mundo. Kusa na rin silang aayaw sa mga nakasanayang laro at magiging aktibong nilalang. Pero bago sila, tayo muna. Tayo muna ang dadanas ng ibat ibang laro na ito. May kaligayahan at kasawian. Minsang pagkadapa at pagtayo.

Katulad mo ngayon, kaya ka nga nandito ngayon sa paaralan para sa pangarap mo ‘di ba? O pangarap ng magulang mo para sa’yo? Okay lang yan, nakakayanan mo pa naman, nakakapasa ka. Mas ayos ‘yan kaysa tumambay sa may kanto o dili kaya’y sumama sa ibang taong nagpapakapagod sa paghahawak ng placards at nagsisisigaw sa kalsada na ‘di mabatid kung ano ang pinaglalaban.

Misteryoso talaga ang buhay. Ang inaakala mo’ng malabong mangyari sa iyo, sa isang iglap lang maaaring mabago. Ang lumang paniniwala pwedeng matabunan ng panibago. Ang ngiti sa mga labi ay maaaring mapalitan ng lungkot. Madaling itago ang peklat ng kahapon ngunit hindi ito lubusang mawawala.

Ikaw lagi kang nakatawa at nagbibiro, parang walang prolema. Wala nga naman palang nilalang na walang nararanasang problema, hindi yata patas kung ikaw wala. Siguro magaling ka lang magdala, iba ka. ‘Yun ang akala mo napapansin ka rin namin. Na sa bawat halakhak na ‘yan nagkukubli ang isang mabigat na problema. Nahihiya ka na malaman ng kaibigan mo? Bakit nakipagkaibigan ka pa kung sasarilinin mo lang ‘yang bigat na kahit wala pang palaman ‘yan, sigurado may tutulong sa’yo para ubusin ‘yan.

Bawat problema na nararamdaman mo, subukan mo’ng ibaba at magpatulong sa iba. Pwede namang pag-hatian ang problema – parang sandwich, katumbas na kasagutan kahit gasgas na gasgas na iyang linyang iyan. Hindi ito dapat takbuhan at talikuran. Maaaring minsan ikaw ang taya at natatalo ngunit kinabukasan, makakabawi ka rin dahil ang bawat pagtatakip-silim ay may kalakip na pagbubukang liwayway at patuloy pa rin ang buhay.


No comments:

Post a Comment