"Sana pwedeng ibalik ang mga nangyari noon para magawa ko'ng tama ang mga maling desisyon ng pagkakataon."
Naalala ko pa noong kalong-kalong Niya pa lang ako. Noong hindi siya makatulog sa pag-iyak ko tuwing madaling araw dahil ubos na ang gatas ko. Noong napupuyat siya tuwing nagkakasakit ako. Noong napaka likot at pilya ko. Noong hindi ko pa alam ang tama at mali. Noong pinaghahanda niya ako ng almusal at pinagiinit ng tubig pampaligo. Noong hatid sundo niya ako sa paaralan. Noong tinutulungan niya ako sa aking mga takdang aralin at sa aking pag-aaral. Noong pinagtatanggol niya ako sa mga umaaway sa akin. Noong lagi siyang nasa tabi ko para suportahan ako.Noong pilit niya akong isinasama sa palengke upang maging taga bitbit ng kanyang mga pinamili. Noong kinakampihan niya ako sa tuwing ayaw ako payagan ngaking ama. Noong mga panahon na walang wala kaming pera at agad siyang pupunta sa kanyang kaibigan upang gumawa ng paraan. Noong ayaw niya ako payagan bumili ng sarili ko'ng mga gamit at damit dahil gusto niyang siya ang pumili para sa akin. Noong kasama ko siyang umakyat sa entablado noong ako ay nagtapos sa highschool.
Noong unit-unti ko'ng nararamdaman ang nalalapit na mga araw na pag-iwan ko sakanya. Noong sandaling kagustuhan ko'ng lumayo. Noong mga panahong hindi ko inisip ang mararamdaman niya kapag umalis at lumayo ako sa piling niya. Noong ayaw ko makinig sa mgapayo niya. Noong nangangatwiran ako upang ipilit ang nais ko. Noong naging makasarili ako.
Noong bata pa ako kasama Siya...
Noon ayos lang na madapa sa paglalaro dahil alam ko'ng babangon at babangon ako upang makisama at makipaglaro ulit sa mga kapwa ko bata. Lahat ng bagay nagagawa ko. Dahil bata ako, kapag umuuwi ako'ng marumi ang kasuotan ay ayos lang. Alam ko'ng hindi ako papagalitan. Alam ko'ng lalapit siya sa akin upang gamutin ang mga sugat sa aking binti at braso. Kasabay nito ang pagkuha niya ng malinis na kasuotan upang palitan ang marungis ko'ng damit.
Noong hindi pa ako marunong mag "po" at "opo". Sumagot ako ng pabalagbag sa aking ate.Dahil sa narinig Niya ako, agad niyang pinalo ang aking bibig. Hindi raw niya ako tinuruan na sumagot sa nakatatanda. Umiyak ako. Umiyak ako ng malakas.Siya na dahilan ng pag-iyak ko ang siya rin na nagpatahan sa akin. Niyakap niya ako at sinabing hindi niya na ulit ako papaluin.
Noong ang tigas ng ulo ko at ayaw ko makinig sa mga bilin niya. Madalas niya ako pagalitan dahil sa magkakapatid ako daw ang pinaka makulit. Sa kabila ng pagiging pasaway ko,ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya. Alam ko'ng pinagagalitan niya ako upang matuto ako sa pagkakamali ko.
Gayon pa man, gustong gusto ko siya kasama. Marami kaming napagkukwentuhan. Kung minsan para lang kaming magkaibigan kung mag-usap. Nakakatuwa isipin dahil ganun kami kalapit sa isa'tisa.
Kapag sinusumpong ako ng hika sa school, sumusugod agad siya dala ang respirator. Kailan man hindi siya nahuli sa pagdating. Alam ko'ng nagaalala siya kung kaya't pinipilit ko rin na 'wag sumpungin.
Minsan naaawa ako sakanya.Tila isang katulong sa loob ng bahay namin. Lahat ng gawaing bahay ay ginagawa niya. Madalas wala siyang kasama sa bahay lalo na kung may pasok kaming lahat.Kapag umuuwi ako galing school, lagi siyang nanghihingi ng pasalubong. Animo'y bata na nanghihingi. Syempre lagi ako'ng may dalang pasalubong para sa kanya.
Akala niya...
Dumating ang panahong kailngan ko lumayo. Kailangan ko mag-aral sa Maynila. Isa siya sa 'di sang-ayon. Kitang kita sa kanyang mukha ang kalungkutan. Nararamdaman ko ang kanyang pagkadismaya sa akin. Akala niya hindi ko siya iiwan. Akala niya parati niya lang ako makakasama. Akala niya laging may "bunso" na makikipagkwentuhan sa kanya.
Ngayong...
Ngayong hindi ko siya kasama sa pag-aaral. Ngayong walang naghahanda ng aking almusal tuwing ako ay papasok.Wala ng nag-iinit ng tubig pampaligo. Ngayong wala na siyang kasama pumunta sapalengke.
Ngayong tuluyan ko na siyang iniwan. Ngayong tanging telepono na lamang ang komunikasyon namin. Ngayong
hirap na hirap na ako. Ngayong naiinggit ako sa iba na kasama ang kanilang pamilya. Ngayong nalulungkot ako dahil dumating ang araw na nagsisisi ako sa mga maling desisyon ko. Ngayong wala ako'ng kasamang pamilya na naging inspirasyon ko sa mahabang panahon. Ngayong hindi ko alam ang gagawin ko dahil walang maggagabay sa akin.
Ngayong hindi ko na mulingmagagawa ang lahat ng iyon kasama Siya.
Ngayong sinabi ko sa sarili ko na mali ako.
Ngayong napatunayan ko na nasa huli ang pagsisisi.
NGAYONG HINDI KO PALA KAYA ANG MAG-ISA.*Balang araw makakapagpasalamat rin ako sa Iyo. Masasabi ko na mahal na mahal kita at nagsisisi ako.Nakuha ko nga ang nais ko ngunit napakalaki naman ng naging kapalit na walang sinuman ang pwedeng pumalit.
WALANG SINUMAN ANG MAKAKAPANTAY.
ANG AKING INA, MALIGAYANG KAARAWAN SA IYO!
~ang Iyong Bunso
JOYCE