Thursday, September 23, 2010

IN DEMAND

“Sa pagsusulat Malaya kang ipahayag kung anong gusto mo, Malaya kang paglaruin ang imahinasyon mo, at higit sa lahat doon mo makikita ang tunay mong pagkatao. “

Isang tahimik na gabi. Kung tutuusin, nananahimik dapat sa aking kwarto at natutulog. Nilalasap ang araw ng mumunting bakasyon kuno. Pero sa tipo ng estudyante na tulad ko, hindi na yata uso ang salitang BAKASYON, LIWALIW (minsan) at PAHINGA (kapag nakanakaw ng tulog sa kama). Kung baga sa simcard, 24/7 ang serbisyo. Pero teka, bakit ko nga ba pilit sinisiksik ang sarili ko sa kahong halos hindi na ako makahinga sa sobrang sikip?

Sa totoo lang hindi ko din alam. Marahil sadyang CONTAMINATED na talaga ang dugo ko ng isang virus na hindi ko maiwasan, ang pagpasok sa mga kakaibang mundong bandang huli ay ako ang pumapasan. Kung pwede lang ang BLOOD TRANSFUSION matagal ko nang ginawa. Mahirap pero kadalasan naman masay. Ano nga bang nahihita ko sa mga bagay na ‘to? Simple lang. PAGOD, SAKIT NG ULO, PROBLEMA, PAGOD, SAKIT NG ULO, PROBLEMA, paikot-ikot lang ang siklo. Pero sa kabila ng byaheng ito, may mga magagandang tanawin naman akong nasisilayan, KAIBIGAN, PAGKILALA, PAGGALANG, at higit sa lahat BAGONG PAMILYA.



TAKE THE TURN

Lalong umiinit ang kapaligiran, maalinsangan. Sabay nito ay pilit kong tinitiktik ang aking isip sa pag-iisip ng mga bagay na maisulat para mabasa mo ngayon. Wala naman akong pinagsisisihan sa aking pinasok na mundo. Sabi nga, kahit gaano man kahirap, kung mahal mo ang ginagawa mo, ok lang, wala e, ganyan talaga. Iba na ang IN DEMAND!

Speaking of IN DEMAND, kate-text lang ng isa ko’ng kasamahan sa isang organisasyon. Naisip ko na panibagong pitas nanaman ng problema at intindihin, pero syempre, Masaya naman ako sa ginagawa ko lalo na kung para sa Kanya. Minsan nga nanaisin mo rin balikan ‘yung mga pagkakataong inihaharap sa iyo ‘yung mga bagay na minsan mong tinanguan at sabihin ang malaking “AYOKO!” ‘yun lang eh kung magagawa mo.

Kadalasan mas naiinggit pa ako sa mga estudyanteng masayang pumapasok ng eskwelahan na walang anumang iniintinding kung anu-ano mang bagay. Pagkatapos ng klase, sibat agad o kung may natitira pang oras ay nakukuha pang magsaya kasama ang barkada. Payak, simple, pero Masaya. Alam mo ‘yun? ‘yung kahit anong gawin mo walang problema. Hawak mo ang mundo mo. Walang ibang nagpapatakbo. Hindi ka nasisigawan tuwing may magagawa kang hindi nila gusto. Hindi ka kinakabahan tuwing maririnig mo ang pangalan mo’ng pinapatawag ng kung sino. Simple lang. walang halong kadramahan.

Sabi ng isang manunulat na nakilala ko, ANG TUNAY NA KULAY RAW NG MUNDO AY NAPAKA-PAYAK, SIMPLE LANG, ITIM AT PUTI. Ayon din sa kanya, kung papipiliin siya ng uri ng larawan, mas pipiliin niya ang black and white version. Mas maganda ayon sa kanya at mas may drama sa kabila ng katangian nito. Bigla akong nagulumihanan. Ito nga ba ang sapat na kulay ng buhay ng isang tao? Payak? Simple? Sa ganitong uri ban g pamumuhay mas malalasap ang tunay na ganda at esensya ng pagiging tao mo? Pero para saan na lang ang iba pang kulay na nakapaligid sayo?

Tanong. Napaka raming tanong.walang tumpak na kasagutan. Sadya nga bang dapat na lang tayo makuntento sa kung anong meron tayo? Marahil nga’t oo. Pero sa tingin ko bilang isang IN DEMAND na tao, HINDI. Napakarami kasing oportundidad sa paligid. Siguro kung patuloy tayong makukuntento sa isang payak na bagay, masasayang lamang ang lahat ng iyon.

Ito marahil ang problema ng marami sa atin ngayon, tapos nagtataka ang ilan kung bakit walang pag-unlad. Salamat, naliwanagan na ako ngayon. Siguro nga may positibo at negatibong dulot ang pagiging IN DEMAND ng isang tao. Parang sa trabaho, kapag in demand dinadagsa, pero darating ang panahon mawawala rin. Pero hindi ko sinasabing itulad natin ang ating mga sarili sa masaklap na kasidlakan ng aking halimbawa. Pilitin nating gawin ang lahat ng bagay. Ilagay ang puso sa lahat ng ating ginagawa. Kaakibat ng tagumpay ang pasakit at hirap kaya normal lang na paminsan-minsan ay makaranas tayo ng kaunting problema.

Sa totoo lang, kahit umiiyak tayo minsan dahil dito, kailangan pa rin natin ‘yun ipagpasalamat. Kasi kung wala yung mga problemang ‘yun, isang mahinang TAYO ang magiging produkto, depektibo.

Ang totoo, gulong-gulo pa rin ang isip ko. Oo nga’t naliwanagan na ako kahit papano, subalit hindi ko pa rin maaaring sabihing tama ang pananaw ko at iiwanang mali ang kabila. Parehong tama, parehong may puntos. Pero ‘di ko pa rin maikakaila na ako pa rin ang nasasakal sa kadenang ako rin ang may gawa.
Hindi ko alam kung saan lupalop nanggaling ang mga nabasa mo kanina. Pero isa lang ang sinisigurado ko, produkto ito ng nagmumukmok na damdamin ng isang IN DEMAND na tao, isang taong pilit namumuhay ng payak peor pilit din namang sinusundan at hinahabol ng ibang kulay ng mundong ito. Isang extra na piniling maging bida sa larangang alam niyang doon siya Masaya. Isang IN DEMAND na kailanman ay ‘di susukuan ang hamon ng panahon.

Isa lang pruweba ang lahat ng ito na patuloy na nag-eexist ang inyong bida.

No comments:

Post a Comment