Wednesday, September 1, 2010

Ang Bagong Mundo


Muli ko nanamang gagamitin ang liwanag ng buwan at ng mga bituin upang lagi ko’ng matagpuan ang kariktan ng aking tahanan, at ang lampara ang magsisilbing pag-asa at tanglaw sa loob nito

Tahimik ang langit, animoy nakikinig sa pag-uusap ng buwan at ng dilim. Tumatanglaw sa bawat hakbangin pauwi sa bahay-pawid habang nakatingin sa kumikislap na liwanag ng mga bituwing kumukundap-kundap sa kalangitan. Tanging kausap ko’y ang pag-awit ng mga kulisap, ang pagyapos ng hangin sa mga puno, at ang ingay ng iba’t ibang nilalang sa gubat. Sa ngayon, natatanaw ko na ang lampara sa mumunting pawid na hindi man makailaw dahil sa kinalumaan subalit marami na ring naging kapakinabangan. Ang naghihikahos na kislap ay natatanaw ko, ngunit alam ko’ng malayu-layo pa ang aking babagtasin. Pinangangambahan ko’ng maglaho ang liwanag na iyon kaya’t binilisan ko ang aking mga yabag.

Malalim na ang gabi.

Narating ko na rin ang mumunting bahay-pawid mula sa isang malayong paglalakbay. Ang kaninang malabong pigura sa ginuguhit ng kalamyaan ng gabi nagyo’y isang malaking pasilyo na sa aking harapan. Matapos ko’ng latagin ang bahay ay kumain na ako at maya maya ay iniayos ang sarili. Tinitigan ko ang bahay. Marupok, makipot at mainit ang senaryo. Ang bawat sulok ay kakikitaan ng mga lamat. Bawat dingding ay tadtad ng butas. Maalikabok. Palibhasa’y lupa ang kinasasahigan ng mga paa. Nagpatuloy ako sa aking pagiging abala.

Nakatawag ng aking pansin ang kumukundap-kundap na liwanag mula sa lumang lampara. Sa tantiya ko’y tatlumpong minute na lamng ang itatagal ng apoy subalit sapat na upang matapos ko ang mga gawaing pauwi mula sa paaralan. Sa palagay ko sa ganitong gawi na rin lumabo ang aking mga mata – Malabo upang kilalanin ang gabi sa umaga. Sa kinalauna’y nilalamon ng kadiliman ang paligid at ang himig ng kailkasan ay panandaliang nagmaliw, humimlay. Natulog nang mahimbing.

Tila sandal lamang ako nalingat at umaga na. sa aking pag-aagam-agam, datapwa’t, ang litany ng kalangita’y animongbumubulong ng isang mensahe, isang babala. Humampas ang isang mapusok na hangin na kanina’y malumanay at sakdal lamyos akong kinakausap. Unti-unting lumuha ang langit na agad sinundan ng hagulgol ng mga ulap na animo’y inanyuan ng tunog ng mga trumpeta. Tumitibok ang lupa. Tumitibok pati ang aking puso sa isang estado ng biglang pagkalito, wala na ang lampara, wala na ang bahay-pawid na dati-rati’y kumakalinga ng aking pagkatao.
Sandaling nilamon ng isang nakasisilaw na liwanag ang buong sangkalupaan. Naroon pa rin ang mga hikbi na sinasabayan ng mga ugong. Sa isang iglap naglaho ang nakabibinging dagundong at pumalit ang isang nakabibinging katahimikan. Ipinikit ko’ng sandali ang aking mga mata, at sa aking pagmulat, isang imahe ang naglaho. Idinilat ko ang mga matang nangangarap at sinimulang bihisan ang bahay-pawid na nasalanta ng isang bangungot.

Magsisimula na naman ang isang panibagong araw na wala na ring kinaiba sa dati. Sisimulan ko nanamang mamuhay. Unti-unti ko nanamang bubuuin ang mga pangarap sa loob ng bahay-pawid. Muli ko nanaman gagamitin ang liwanag ng buwan at ang mga bituin upang lagi ko’ng matagpuan ang kariktan ng aking tahanan, at ang lampara ang magsisilbing pag-asa at tanglaw sa loob nito.

Bahagyang nagbigay ng malamyang tinig ang araw at ang mundong ibabaw ay nagsimula na namang maging abala..

No comments:

Post a Comment